(UPDATE) Inihatid nitong umaga ng Martes sa huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani si dating pangulong Fidel V. Ramos.
Bago ihatid sa Libingan sa Taguig, nagdaos muna ng isang pribadong misa ang pamilya ni Ramos sa main chapel ng Heritage Park.
Bandang alas-10 ng umaga, inilabas ng pallbearers ang labi ni Ramos, na pinabaunan ng mga kapwa sundalo ng departure honor bago ibiyahe patungo sa Libingan.
Pagdating sa Heroes Memorial Gate alas-10:40 ng umaga, full military honors ang sumalubong sa labi ni FVR bago inilipat sa caisson, na pinagsasakyan ng mga respetadong sundalo o lider ng bansa na namatay.
Sumama ang biyuda ni Ramos na si dating first lady Amelita "Ming" Ramos sa funeral procession patungo sa gravesite.
Ang mga apo ni Ramos ang nagdala ng kaniyang urn, retrato at bandila ng Pilipinas, na unang ibinalot sa kabaong ng dating lider.
Umalingawngaw ang 21-gun salute gamit ang mga kanyon, na simbolo ng pinakamataas na pagsaludo sa isang namayapang lider.
Dumating din sa libing si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kamag-anak si Ramos dahil pinsan ito ng kaniyang ama.
Nagpaulan din ng bulaklak sa paligid ng gravesite ni Ramos ang military choppers.
Nagpasalamat naman si Mrs. Ramos sa lahat ng nakiramay at nagbigay pugay.
"Maraming salamat sa inyong lahat, sa tulong niyo. Alam niyo mahirap ang buhay sa military pero kinaya namin," anang biyuda ng dating pangulo.
Bandang alas-11:50 ng umaga natapos ang inurnment ni Ramos.
Pumanaw noong Hulyo 31 si Ramos sa edad na 94.
— Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.