PatrolPH

Ejercito nais palakasin ang railway system; Padilla gusto ng cable cars

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 07:53 PM

MAYNILA — Hiniling ni Senator JV Ejercito ngayong Martes ang pagpapalakas sa railway system ng Pilipinas.

Sa kaniyang privilege speech, tinukoy ni Ejercito ang epekto ng kakulangan sa mass transport system sa bansa, kabilang sa pang-araw-araw na biyahe ng mga commuter at maging sa ekonomiya ng bansa.

Ipinunto ng senador ang huling report ng Japan International Cooperation Agency (JICA) kung saan naitala na P3.5 billion kada araw ang nawawala sa bansa dahil sa matinding traffic at kawalan ng maayos na pampublikong transportasyon. 

Posible pa umano itong umakyat sa P5.4 billion sa 2035 kapag hindi pa rin naresolba.

Umapela si Ejercito na tulungan ang Marcos administration na madagdagan pa ang 161 kilometrong railway sa bansa at silipin ang estado ng mga railway projects para masolusyunan ang backlogs na nagiging dahilan sa pagkaantala ng implementasyon ng proyekto.

Samantala, inimungkahi naman ni Sen. Robin Padilla ang ropeway o aerial cable cars bilang tugon sa problema ng trapik sa Metro Manila at ibang urban areas sa Pilipinas.

Ayon kay Padilla, nauuso ang paggamit ng ropeway sa ibang bahagi ng mundo at maaari itong bagay sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila.

"Meron pong isang nauuso ngayon na kung tawagin po nila ay ropeway. Ito po ang paggamit ng cable. Nais ko din po sana na maimungkahi po sa inyo na ito ay bagay din sa Pilipinas lalong lalo na sa Metro Manila dahil sa trapik," ani Padilla sa kaniyang manifestation.

Iginiit ni Padilla na hindi uunlad ang bansa kung ang trapik ay masama.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.