PatrolPH

Doktor kinasuhan matapos umanong manghalay ng pasyente

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 08:04 PM


Isang doktor ang kinasuhan at pinapatanggalan ng lisensiya matapos umanong manghalay ng pasyente na nagpapa-examine sa kaniya, sabi ng National Bureau of Investigation.

Kasong acts of lasciviousness ang isinampa laban sa doktor at pinadala ang reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC) para matanggalan ito ng lisensiya, lalo't ginamit nito ang propesyon sa krimen, ayon kay Jun Donggallo, direktor ng NBI-National Capital Region (NCR).

Pasado alas-4 ng madaling araw nang samahan ng doktor sa isang kuwarto ang 18 taong gulang na pasyente para ma-examine dahil sa pananakit ng appendix, base sa kuha ng CCTV.

Pero maya-maya'y biglang tumakbo ang pasyente mula sa kuwarto hawak pa ang nakakabit na suwero. Sinundan naman siya ng doktor.

Mapapanood pa sa CCTV na sinasara ng doktor ang kaniyang zipper nang habulin ang pasyente.

Sa salaysay ng biktima, pinaghubad umano siya ng doktor at pinapikit ang mata para sa examination pero nagulat siya nang halayin na raw siya ng doktor.

Itinanggi ng doktor ang paratang at ipinaliwanag na kailangang operahan ang pasyente.

Kalauna'y naoperahan ang pasyente pero ibang doktor ang nag-asikaso.

Pinatawag ng NBI-NCR ang doktor dahil sa reklamo pero hindi ito nagpunta, ani Donggallo.

Hinikayat ng NBI na magsumbong din ang ibang pasyente kung nakaranas ng pang-aabuso sa naturang doktor.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng panig ang ospital pero hindi ito nagbigay ng pahayag. Inabisuhan umano ng ospital ang NBI na nagbitiw na sa trabaho ang inirereklamong doktor.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.