PatrolPH

State of calamity idineklara sa San Simon, Pampanga dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2021 10:35 AM

Mula sa San Simon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Facebook Page
Mula sa San Simon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Facebook Page

MAYNILA - Idineklara ang state of calamity sa bayan ng San Simon sa Pampanga dahil sa pinsala ng pagbaha nitong mga nagdaang araw.

Ayon kay Mayor Leonora Wong, nasa 6,000 pamilya ang apektado sa baha habang ilang barangay ang lubog pa rin sa baha. Kabilang dito aniya ang mga barangay ng Santa Monica, Dela Paz, San Agustin at Santo Niño. Nasira rin umano ang mga pananim at palay sa bayan.

Nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng state of calamity para magamit sa relief operations ang calamity funds.

"Sabi nga, walang sapat lalo na sumasabay ang COVID at baha pero pinipilit namin na gamitin lahat ng resources," aniya sa panayam sa Teleradyo Lunes.

Umaapela naman si Wong ng tulong sa national government para masolusyonan ang pagbaha.

"Nanawagan kami sa public works. May mga kanal kami na napupuno ng buhangin kaya pagdating ng ulan hindi na makapag-function as drainage... Drainage ang problem. Hindi dahil mababa 'yung area," aniya.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.