PatrolPH

Pilipinas 'high risk' na sa COVID-19: DOH

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2021 06:22 PM | Updated as of Aug 09 2021 06:55 PM

Watch more on iWantTFC

Tumaas sa "high risk" ang classification ng Pilipinas pagdating sa COVID-19 dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, tumaas sa 47 porsiyento ang 2-week growth rate ng Pilipinas habang umabot naman sa 7.20 kada 100,000 population ang average daily attack rate.

Bagaman iba-iba ang risk classification ng mga rehiyon, ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Visayas, at Northern Mindanao ang mga itinuturing na high risk.

Sa ngayon, 13 rehiyon na sa bansa ang sinasabing nakitaan na ng local case ng pinangangambahang Delta variant ng COVID-19.

Sa NCR, lahat ng lugar ay nakapagtala ng mga kaso ng Delta variant.

Tingin ng OCTA Research Group ay malaki ang posibilidad na ang mabilis na pagtaas ng mga kaso sa Metro Manila ay dahil sa mas nakahahawang Delta variant.

Maaari rin umanong napalitan na ng Delta variant ang noo'y mas laganap na Alpha at Beta variant kaya tuloy-tuloy din ang pagtaas ng reproduction number.

Nakataas ngayon ang Alert Level 4 sa 10 lugar sa Metro Manila habang ang iba'y nasa Level 3.

Artwork ni Jayvery Lorenzana, ABS-CBN News
Artwork ni Jayvery Lorenzana, ABS-CBN News

Ipinaliwanag ng DOH na hindi napapalitan ang community quarantine classification ng mga lugar na inilalagay sa ilalim ng alert level.

"We still look at the same metrics and processes in determining our quarantine classification. These alert levels [are] an early warning system that is action targeted beyond what is recommended for quarantine classification," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Pero kahit matapos pa ang enhanced community quarantine, base sa mga projection ng DOH, malaki ang posibilidad na patuloy pa ring maitala ang pataas na bilang ng mga nagkakaskait.

Sa kabila nito, iginiit pa rin ng DOH na walang surge o kahit third wave ng sakit na nangyayari.

"Kahit na atin pong hinihigpitan ang mga pinapatupad na protocols, maaaring patuloy pa ring tumaas ang mga kaso. Alam natin na that might happen. Ang ating objective is to reduce the number of those being hopsitalized and dying," ani Vergeire.

Sa buong bansa, 54.7 na ang health care utilization rate, na maituturing pang manageable.

Pero aminado ang DOH na maraming opsital na ang nahihirapan dahil sa dami ng pasyente.

Sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina, higit doble ang itinaas ng kaso ng COVID-19.

Mula 25 hanggang higit 30 noong Hunyo at Hulyo, pumalo na ito sa 72 ngayon.

Karamihan umano sa mga pasyente roon na kritikal ang lagay ay hindi bakunado kontra COVID-19.

"This is one proof na talagang malaking-malaking bagay, malaki ang role ng vaccination sa mga kababayan natin. Reminder sa ating mga kababayan, if it's your chance or slot to be vaccinated, grab that opportunity na po. Huwag na pong i-delay," sabi ng medical chief na si Dr. Imelda Mateo.

Sa San Fernando, Pampanga, doble rin ang itinaas ng mga nagkakasakit at full capacity na ang mga ospital.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mas mabagsik ang COVID-19 ngayon sa lungsod dahil nasa loob ng iisang compound ang mga nagkakahawahan.

Kulang naman ng medical workers sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Ilocos Norte matapos tamaan ng COVID-19 ang nasa 159 health personnel.

Ayon sa DOH, nakita sa lahat ng edad o age group ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, mula bata hanggang senior citizen.

Pero naitala ang pinakamataas na talon ng kaso sa loob ng 1 linggo sa mga may edad 20 hanggang 44 dahil sila ang madalas na nasa labas para magtrabaho.

Ngayong Lunes, nakapagtala ang bansa ng 8,900 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa higit 1.6 milyong kabuuang bilang ng mga kaso, kung saan 78,480 ang active cases.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.