PatrolPH

Paaralan sa Boracay nilooban; halos P500,000 halaga ng mga kagamitan nilimas

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2021 06:56 PM

BORACAY, Aklan - Halos kalahating milyong piso na halaga ng mga kagamitan ang ninakaw sa Manocmanoc Elementary School sa isla ng Boracay noong Biyernes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Malay police, pinasok ng 2 salarin ang paaralan.

Tinawag ang pulisya matapos malaman na nawawala ang mountain bike na pag-aari ng utility worker ng paaralan na si Arriz Pagcaliwangan.

Kaagad na nagsagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan ng paaralan kasama ang Malay police at doon nakita na pinasok din ng mga magnanakaw ang Information and Communications Technology room ng paaralan.

Natangay ang 5 set ng desktop computers, 2 laptop, at 1 projector. Nagkakahalaga ng P473,634 ang lahat ng natangay, ayon sa awtoridad.

Sa isinagawang follow-up operation ng Malay police noong Linggo ng hapon, arestado ang isang 18 taong gulang na lalaki na itinuturong isa sa mga nagnakaw sa paaralan.

Itinuro siya ng isang concerned citizen na nakita siya at isa pang salarin na lumabas sa paaralan na dala-dala ang mga ninakaw na kagamitan at ikinarga ang mga ito sa isang traysikel.

Nakuha sa kaniya ang mga ninakaw na computers at mountain bike ng utility worker.

Patuloy pa ang pagtugis ng mga awtoridad sa isa pang salarin matapos makatakas.

—Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.