PatrolPH

Mga batang naoospital dahil sa COVID-19 dumami: hospital group

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2021 03:12 PM

Watch more on iWantTFC

Dumarami ang mga batang naa-admit na may COVID-19 sa mga pribadong ospital, ayon sa Private Hospitals Association Philippines.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni PHAPI President Jose Rene de Grano na karamihan sa mga kaso ay sumasabay sa mga nako-confine dahil sa ibang sakit gaya ng flu.

Dahil dito, tumataas umano ang mga pediatric patient sa mga pribadong ospital.

"Napapasabay 'yan doon sa pagtaas talaga ng mga sakit ngayon. 'Di ba 'pag third quarter ng taon, dumarating ang dengue, typhoid, ganiyan, saka 'yong mga flu kaya nagsasabayan po 'yan," ani De Grano.

"Talagang maraming bata din ang naapektuhan. 'Yong pagka-test po [for COVID-19] at nag-positive, talagang ika-classify na COVID 'yon," aniya.

Nauna nang ibinahagi ng Philippine General Hospital na dumami rin ang mga pasyente nilang batang may COVID-19.

Pero hindi lang sa Metro Manila may naa-admit na mga batang may COVID-19.

Sa Ilocos Norte, may mga bata ring naka-confine dahil sa COVID-19 sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center.

Ayon kay Medical Center Chief, Dr. Maria Lourdes Otayza, kalahati sa mga batang naka-confine sa kanilang ospital ay COVID-19 patients.

Ang ilan sa mga ito ay ipinanganak na umanong may COVID-19 kaya lahat ng mga bagong panganak na sanggol ay isinasailalim na sa COVID-19 test.

Ang ibang COVID-19 patient naman na mga bata ay may kasabay na sakit gaya ng community acquired na pneumonia at dengue kaya mas nakararanas sila ng mas malalang kaso ng COVID-19, ani Otayza.

Sinabi ngayong umaga ng Lunes ng Department of Health na 59 porsiyento ang itinaas sa bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lahat ng age group, base sa tala noong Hulyo 13 hanggang 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.