PatrolPH

Parking spaces ng malls dapat ipagamit sa mga motorista sa gabi: QC official

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 05:46 PM | Updated as of Aug 09 2019 06:03 PM

MAYNILA — Sa patuloy na clearing operations na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan, nakaisip ang Quezon City ng paraan para mabawasan ang mga motoristang nagpaparada sa iba't ibang sidewalks.

Ayon kay Ariel Inton, pinuno ng QC Task Force for Transport and Traffic Management, magmamakaawa sila sa mga dambuhalang mall sa lungsod na ipagamit sa mga residente sa paligid ang kanilang parking area o building.

"Ang parking spaces sa mga mall after the mall hours bakante 'yan, walang naka-park diyan at nakatiwangwang. And yet it can be used as parking spaces for nearby residential areas," sabi ni Inton.

Sabi ng opisyal, nakatakda ang pulong ng lokal na pamahalaan at pamunuan ng mga mall sa susunod na linggo.

Maaalalang nagbigay na ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang lahat ng uri ng road obstruction para maibalik ang kalsada sa mamamayan.

Kabilang sa mga binubuwag ang mga sidewalk vendors at ilang istasyon ng pulis na nakaharang sa kalsada.

Noong nakaraang araw naman, sinabi ng isang QC councilor na dapat padaanan sa mga motorista ang kalsada sa mga malalaking subdibisyon at kampo.

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.