Paaralan sa Zamboanga City, binulabog ng bomb threat

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 07:22 PM

Sinuyod ng bomb squad ang buong eskuwelahan pero nag-negatibo ito sa bomba. RJ Rosalado, ABS-CBN News

Sinuspinde ang klase sa isang pampublikong paaralan sa Zamboanga City, Biyernes ng umaga dahil sa bomb threat.

Ayon kay Jacky Lim, Barangay Chairperson ng Tumaga, nakatanggap ng text message ang isa sa mga guro ng Don Pablo Lorenzo Memorial High School Annex Building mula sa isang hindi rehistradong numero na ‘di umano’y may sasabog na bomba sa loob ng paaralan.

Agad humingi ng tulong ang mga guro sa mga pulis at nagpatawag ng Explosive Ordnance Disposal unit.

Pero matapos ang ilang oras na paneling at inspeksyon ng EOD unit wala silang nakitang pampasabog sa loob ng paaralan.

Ayon kay Lim, pinauwi niya na lamang ang mga estudyante para maibsan ang pagkabahala ng ilang mga magulang.

Bagama’t walang nakitang bomba sa paaralan, hindi binabale-wala ni Lim ang nasabing banta.

Ayon sa kaniya, paiigtingin niya ang seguridad sa venue kung saan isinasagawa ang kanilang mga aktibidad kaugnay sa nalalapit nilang pista.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang taong nagpadala ng mensahe tungkol sa bomb threat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.