PatrolPH

ALAMIN: Sari-saring hakbang ng PNP para sa kanilang 'internal cleansing'

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 08:29 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

Halos dumoble ang bilang ng mga nasibak na pulis sa serbisyo mula Enero hanggang Hulyo, ayon sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO). 

Mula kasi sa 117 na nasibak noong Enero hanggang Hulyo ng nakaraang taon, 213 na ang natanggal sa puwesto sa parehong mga buwan ngayong 2018. 

Samantala, nagtalaga na ng special summary hearing officers ang NCRPO bilang bahagi ng internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) para matutukan ang mga kaso ng pulis na nasasangkot sa iba't ibang krimen at paglabag sa Metro Manila.

Mayroon ding spiritual intervention na isinasagawa para sa mga ito.

Sa datos naman ng National Police Commission (NAPOLCOM), nasa halos 12 percent sa kabuuang bilang ng mga kinasuhang pulis ang natanggal sa serbisyo. 

“When evidence so warrants, the government does not hesitate to dismiss erring policemen because for every policemen that we dismiss there are 10 applicants willing to take their place,” ani Atty. Rogelio Casurao, vice chairman ng NAPOLCOM.

Katuwiran ng NCRPO, bahagi ito ng internal cleansing ng kapulisan. 

“Maliit man siya or malaki kailangan natin itama 'yang mga 'yan,” paliwanag ni NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar. 

Iginiit ng NAPOLCOM na dapat mas maging mabusisi na ang recruitment process ng PNP.

“Ang problema hindi napo-profile nang mabuti. Pag nakalusot sa agility, sa physical examination, lusot na,” ani Casurao. 

Samantala, iimbestigahan at kakasuhan umano ng NCRPO ang mga pulis na iniharap kay Pangulong Rodrigo Duterte na sinasabing umihi sa mga puno sa Malacañang.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.