SAPUL SA CCTV: Mga babaeng miyembro umano ng 'Ipit Gang', timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:29 PM

Kalaboso ang anim na babae sa Baguio City na miyembro umano ng "Ipit Gang" -- isang grupo na nang-iipit ng kanilang biktima upang madukutan ito.

Nahuli ang mga suspek na pawang mga babae sa isang mall sa Baguio. Kasama pa ng isa sa mga miyembro ang kanyang anak.

Ayon sa mga pulis, matagal na nilang minamanmanan ang mga miyembro ng grupo.

Nakuhanan pa sila ng CCTV camera habang isinasagawa ang pandurukot. 

Modus operandi umano nila na iipitin ang kanilang biktima at tatakpan ng payong ang bag para hindi makita ang ginagawa nilang pandurukot.

Nakakulong na ang mga suspek sa Baguio City Jail at nahaharap sa reklamong theft. 

Tumanggi na silang magbigay ng pahayag.

Una nang nakatanggap ang Baguio City Police Office Station 7 ng apat na magkakatulad ngunit magkakahiwalay na reklamo na itinuturo ang "Ipit Gang".

“Noong papasakay kami ng elevator, parang bigla sila dumami. Parang pinu-push nila ako papasok… Di ko naman isipin na kinuha na nila iyong wallet ko sa bag,” kuwento ni Gloria Flores, isa sa mga biktima.

-- Ulat ni Maira Wallis, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.