'Notoryus holdaper', nanaksak ng driver, tumangay ng taxi

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:05 PM | Updated as of Aug 10 2017 04:10 AM

Sugatan ang 63 anyos na taxi driver matapos holdapin at tangayin ang kanyang sasakyan ng umano'y notoryus na holdaper sa Tandang Sora, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng saksak sa dibdib at kamay ang taxi driver na si Simeon Miranda.

Kuwento niya, minamaneho niya ang kanyang taxi nang parahin ng isang lalaki na nagpahatid sa Tandang Sora.

Tinanong aniya siya ng suspek kung saan nakalagay ang pera niya habang nagmakaawa siya na huwag patayin dahil may mga apo pang umaasa sa kanya.

Narekober naman ang taxi niya at naaresto ang suspek na si Michael Quebral matapos ang hot pursuit operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3. Dati na ring nasangkot sa iba pang kaso ng holdapan si Quebral.

Eksklusibo ring ipinalabas sa TV Patrol nitong Mayo ang pangho-holdap ni Quebral sa tatlong convenience store: sa Sauyo Road, Congressional Avenue, at sa Barangay South Triangle sa Quezon City.

Siya rin ang itinuturong responsable sa pangho-holdap sa isang hotel sa Quirino Highway kung saan nakunan pa ng CCTV ang panunutok niya ng baril sa mga kahera.

Dismayado naman ang QCPD dahil nakakapagpiyansa lang ang suspek sa kabila umano ng mga naikaso nila rito.

Patong-patong na kaso ang haharapin ng suspek na isinailalim na rin sa inquest proceedings.

Nanawagan din ang QCPD Station 3 sa mga posibleng nabiktima pa ni Quebral na magtungo sa kanilang tanggapan para makapagsampa ng kaso laban sa suspek. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.