May-ari ng bodegang may P6.4-B halaga ng shabu mula China, ginisa sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 04:33 PM

Nagisa ng mga senador ang may-ari ng bodegang nahulihan ng higit P6 bilyong halaga ng drug shipment mula China.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee nitong Miyerkoles, inamin ng negosyanteng Chinese na si Richard Tan na tinawagan siya ng Customs ng China para sabihing may kahina-hinalang kargamento sa kanyang bodega.

Kinumpirma rin ni Tan na Mayo 24 nang matanggap nila ang illegal shipment.

Ayon sa sinumpaang salaysay ng negosyante, nakatanggap siya ng tawag mula Xiamen, China noong May 25 ng umaga at sinabihan siyang may laman na droga ang kargamentong itinago sa kanyang warehouse.

Nakausap niya umano si Wang Xi Dong, pinuno ng Inspection Department ng Chinese Customs. 

Sinabi raw kay Tan na nahuli na sa China ang mga suspek sa ilegal na shipment.

Tumawag lang umano ang Customs ng China sa kanya para maipaalam niya sa Customs ng Pilipinas na suriin ang laman ng mga kargamento.

Ang pagkakaalam ni Tan, 'for printing' lang ang laman ng kargamento. 

Giit ni Tan, nalaman na lang niyang droga ang laman ng kargamento nang tumawag si Wang pero hindi rin siya sigurado kung totoo ang sinasabi ng kausap.

Kinuwestiyon naman si Tan tungkol sa retrato nila ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon pero itinanggi niyang kilala niya ito.

Inusisa rin si Tan tungkol sa 20 taon niyang pananatili sa bansa.

Sunod namang nagisa ang mga opisyal ng customs dahil sa mga posibleng kakulangan ng mga ito sa raid.

Hindi naman muling sumipot sa pagdinig si Faeldon na nagpasabing hindi makadadalo dahil sa sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.