Lola, patay sa sunog sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:42 PM

Pinag-aaralan ng Bureau of Fire Protection kung sa sigarilyo o sa kandila nagsimula ang apoy.

ILOCOS SUR – Patay ang 81-taong gulang na si Remedios Tangca matapos masunog sa loob ng kanyang kwarto sa kanilang bahay sa Barangay Pussuac sa bayan ng Sto. Domingo, Ilocos Sur, Martes ng gabi.

Nagtamo ng third degree burns sa mukha at iba pang bahagi ng katawan si Tangca.

Kwento nang kanyang anak na si Cecilia, may kandila silang inilagay sa kwarto ng kanyang ina dahil namamatay ang ilaw sa kanyang kwarto.

“Tatanggalin ko din sana ang kandila bago ako matulog dahil naghugas pa ako. Pagkatapos ng 15 minutes sinabi na lamang ng kapatid ko na may usok na lumalabas sa kwarto ng aming ina at nang tignan namin sunog na ang kanyang mukha,” sabi ni Cecilia Tangca.

Pinag-aaralan ng Bureau of Fire Protection kung sa sigarilyo o sa kandila nagsimula ang apoy.

Labing siyam na taon nang hindi makakatayo at hindi masyadong nakakagalaw si Lola Remedios. Hindi na rin ito makapagsasalita ng diretso matapos ma-stroke.

Paalala ng BFP sa mga pamilyang may inaalagaan na matatanda at mga may kapansanan na ilagay ang mga ito sa mga lugar na palaging nakikita. 

Iwasan din ng maglagay ng mga bagay sa kanilang kwarto na posibleng makapagdulot nga aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.