Intel officer, patay sa pamamaril sa Quirino

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 06:33 PM

Patay ang intelligence officer ng Diffun police matapos pagbabarilin Lunes ng gabi sa Quirino province.

Bumulagta si PO3 Joven Gabatin sa tabi ng kaniyang motorsiklo matapos barilin nang malapitan sa leeg pasado alas-7 ng gabi Lunes.

Sa imbestigasyon, nakasampa sa motorsiklo ang pulis at may kausap sa telepono nang lapitan umano ng dalawang lalaki.

Mabilis namang tumakas ang mga gunman at umangkas sa isang motorsiklo.

Hindi isinasantabi ng pulisya na work-related o may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Gabatin.

May banta na rin umano ito sa buhay dahil sa puspusan nilang operasyon kontra sa mga nagtutulak ng ilegal na droga.

Labis na ikinalungkot at pinanghihinayangan ng kaniyang mga kasamahan ang pagkawala ni Gabatin.

Nasa 29 na taon na sa serbisyo si Gabatin at nagbabalak na sana siyang magretiro sa susunod na taon. --Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.