'Drug-free home' stickers, idinidikit ng mga pulis sa Cavite

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 02:26 AM

Sa ilalim ng programa ng mga pulis, didikitan ng sticker ang mga bahay na mapapatunayang walang naninirahang gumagamit o nagbebenta ng bawal na gamot. Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Nagsimula nang magdikit ang mga pulis-CALABARZON ng "drug-free home" stickers sa ilang mga bahay sa Cavite.

Bahagi ito ng kampanyang "Drug-Free Home for a Better Philippines" na inilunsad ng CALABARZON police sa buong rehiyon.

Una itong ikinasa sa mga probinsiya ng Batangas at Laguna. Nitong Lunes, sinimulan na rin ang pagdidikit ng mga sticker sa mga bahay sa Barangay Asisan sa Tagaytay City sa Cavite.

Sa ilalim ng programa, didikitan ng sticker ang mga bahay na mapapatunayang walang naninirahang gumagamit o nagbebenta ng bawal na gamot.

"Natutuwa sila dahil sila yung unang nadikitan na naniniwala sila dahil alam din naman nila sa sarili nila walang nagdodroga sa kanilang bahay. At talagang kami ang namili dyan. At dito sa Asisan, may awa ang Diyos, lahat malalagyan ang bahay," ani Barangay Asisan Captain Marvin Dimapilis.

Layunin ng kampanyang ito na ilayo ang komunidad sa impluwensiya ng ilegal na droga.

"Now more than ever we need the support of the communities in our campaign against illegal drugs. Malaking bagay sa amin ito because that gives the opportunity for them to come forward and help us and they become more visible and vocal. So that's a great impact in letting everyone know na hindi kami nag-iisa sa laban na ito," ani police Superintendent Sancho Celedio.

Simple lamang ang sticker, pero para sa mga residente, isa raw karangalan ang malagyan ng ganitong tatak ang kanilang tahanan.

"Malaking karangalan po yun sa amin dahil isa kami sa napili sa buong Cavite ho 'yan dito sa Tagaytay ipinagmamalaki po namin 'yan," ani William Paniza, isang residente.

Nakahanda rin umano silang maging kaisa ng pulisya sa pagbabantay at pagpapanatiling malinis ng kanilang barangay mula sa ilegal na droga.

Sa Barangay Asisan naisipang unang ilunsad ng pulisya ang proyekto dahil kabilang ito sa 10 barangay sa siyudad na certified drug-free na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kabila nito, lahat ng barangay ay sakop pa rin ng monitoring at kampanya kontra droga ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.