53 'online sabungero', arestado sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 12:02 AM

Hindi umano bababa sa P10,000 ang taya sa ilegal na online sabong sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City

PUERTO PRINCESA CITY - Arestado ang 53 indibidwal, kabilang na ang isang empleyado ng pamahalaan, sa isinagawang operasyon laban sa "online sabong" nitong Sabado sa Palawan.

Kinilala ang umano'y operator ng pasugalan na si Felimon Jaurigue, 49 taong gulang at empleyado ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) bilang isang utility worker.

Kinumpirma rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CENRO na nagtatrabaho sa kanilang opisina si Jaurigue.

"Utility ang kanyang item, pero hindi ito 'yung literally naglilinis. Ang position description nito, sumasama siya sa survey team," ani Emer Garraez.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang ahensiya oras na matanggap na nila ang opisyal na report mula sa pulis kaugnay sa isyu.

Hindi umano bababa sa P10,000 ang taya sa ilegal na online sabong sa Barangay San Pedro.

Nasabat sa operasyon ang isang TV, mahjong set, at bet money na nagkakahalaga ng P53,700.

Kinasuhan na ang mga naaresto ng paglabag sa Presidential Decree No. 1602.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.