2 sugatan sa pag-araro ng truck sa bahay

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 02:52 PM | Updated as of Aug 09 2017 03:17 PM

PANGASINAN – Dalawang katao ang sugatan matapos araruhin ng trak ang isang bahay sa bayan ng Binalonan Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang mga sugatan na sina Benifredo Subido at Ryan Sevilla.

Si Subido ang may ari ng bahay na inararo ng trak na minamaneho ni Sevilla.

Ayon sa report, ikinagulat na lamang ni Servillano Subido ang pagbangga ng trak sa bahay ng kanyang pamangkin sa Zone 1, Barangay Bugayong dakong alas-6 ng umaga.

Una umanong binangga ng trak ang streetlight.

Natutulog pa sa bahay sa mga oras na iyon si Benifredo nang marinig umano niyang tinatawag siya ni Servillano kaya ito napatayo at gumilid.

Halos katabi na ni Benifredo ang trak mula sa kanyang higaan.

Dalawang beses naman daw nagpahinga ang 37-anyos na drayber ng trak na magde-deliver sana ng kargang semento sa Tarlac.

Pero ayon sa kanya, may sakit siya at naidlip.

Inaareglo na ng may-ari ng trak ang nangyaring danyos sa ari-arian. 

Payo naman ng awtoridad na maiging ipagpahinga muna ang pagmamaneho lalo kung may karamdaman at kumuha ng karelyebo lalo na kung malayuan ang biyahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.