16 bahay sa Puerto Princesa, giniba

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 01:45 AM

Labing-anim na bahay ang giniba sa Barangay San Miguel, Puerto Princesa nitong Martes.

PUERTO PRINCESA – Labing-anim na bahay ang giniba sa Barangay San Miguel, Puerto Princesa para magbigay-daan sa konstruksyon ng gusali ng isang mall nitong Martes.

Wala nang nagawa ang mga residente sa Malvar Street sa Barangay San Miguel nang gibain ang kanilang mga bahay nitong Martes.

Nagtulung-tulong ang mga residente sa paghakot ng kanilang mga gamit.

Ayon sa notice of special order of demolition mula sa korte, may 16 na tahanan ang nakatakdang gibain.

Pero ayon sa text message ng tumatayong pinuno ng asosasyon ng mga residente sa lugar na si Nimfa Navalta, tumungo umano sila nitong Martes sa justice hall para asikasuhin ang temporary restraining order sa paggiba ng mga bahay.

Dadag ni Navalta, ilegal ang paggiba dahil patuloy umano ang pagdinig sa kaso ng ownership sa lugar.

Ayon sa mga residente, marami sa kanila ang mahigit 40 taon nang nakatira sa lugar.

Hindi umano sila binigyan ng notice na sisimulan ng Agosto 8 ang paggiba sa kanilang mga tahanan kaya karamihan umano sa kanila ay hindi handa.

Biglaan lamang umanong nagsulputan ang mga gwardiya mula sa ginagawang mall pati na ang mga tauhan ng demolition sheriff.

Ayon sa demolition sheriff, Hulyo 14 pa napirmahan ang special demolition order ng assisting judge ng municipal trial court na si Hon. Rohima Sarra.

Binigyan pa umano ng pitong araw para mag-self-demolish ang mga residente pero bigo umano silang gawin ito.

Dagdag nito, Hulyo 31 pa dapat nagsimula ang demolisyon pero Agosto 8 na ito natuloy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.