LPA nagdadala ng pag-ulan sa Luzon, Visayas

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2016 08:25 AM

Isang low pressure area ang nagdadala ng pag-ulan ngayong Martes sa Luzon at Visayas, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PAGASA weather forecaster Obet Badrina na namataan ang LPA sa layong 1,200 kilometero silangan ng Aparri, Cagayan, alas-4 ng umaga.

Hinahatak at pinalalakas umano nito ang southwest monsoon o habagat, na siyang nagpapaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Ani Badrina, asahan ang katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos, Cordillera Administrative Region, Calabarzon at mga lalawigan ng Zambales, Bataan at Mindoro.

Iiral sa Kanlurang Kabisayaan at nalalabing bahagi ng Luzon ang maulap na papawiring may mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan ang inaasahan sa natitirang bahagi ng bansa.

Malabo namang maging bagyo ang LPA sa loob ng susunod na 24 oras, sabi ni Badrina.

Pinayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot sa baybayin ng Katimugang Luzon, kung saan inaasahan ang malalakas na alon.

DZMM TeleRadyo, 9 Agosto 2016