'Cloud seeding' pinaplano na upang mapuno ang Magat Dam

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2016 07:34 PM | Updated as of Aug 09 2016 07:35 PM

MANILA – Anumang araw ay isasagawa na umano ang cloud seeding para magkaulan sa ilang lugar na pinagseserbisyuhan ng Magat Dam sa Isabela, na kasalukuyang nasa kritikal ang lalim ng tubig.

Bahagya pang bumaba ang lalim ng tubig sa Magat Dam ngayong araw. Kaninang alas-tres ng hapon, nasa 159.28 metro na ang water elevation mula sa 159.84 metro na sukat ng tubig dito kahapon.

Umaabot sa 160 metro ang maaaring pinakamababang water elevation sa Magat Dam. 

Ayon sa pamunuan ng dam, nababawasan ang imbak na tubig dahil patuloy ang pagrarasyon sa mga irigasyon, at sa kabila ng pagbagsak ng ulan dulot ng bagyo at low pressure area, wala pa ring ulan sa watershed areas, o mga lugar na nagdadala ng tubig sa dam. 

Kapag umabot sa 158 metro ang lalim ng tubig ay apektado na umano ang power generation ng Magat Hydroelectric Power Plant.

Hindi na rin maseserbisyuhan ang South High Canal, na nasasakupan ng Santiago City at Echague. 

Wala pa namang naitatalang fish mortality o pagkamatay ng mga isda sa mga fish cage sa Magat Dam, na karaniwang nangyayari kapag sobrang baba at mainit ang tubig dito.