PatrolPH

Mental health, prayoridad para sa mga mag-aaral ng Eugenio Lopez Jr. Center for Media Arts Senior High School

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2022 05:59 PM | Updated as of Aug 08 2022 06:56 PM

Mahigit 100 ang lumahok sa pag-arangkada ng Brigada Eskwela sa Eugenio M. Lopez Jr. Center for Media Arts Senior High School Lunes ng umaga.

Kabilang sa mga lumahok at nakiisa sa bayanihan ang mga estudyante, magulang, alumni, mga miyembro ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.

Layon nito ang paglinis ng kapaligiran at paghahanda sa nalalapit na umpisa ng in-person o face-to-face classes. 

Kumpleto sa mga equipment ang ELJ pagdating sa health protocols, kabilang dito ang thermal scanner at alcohol automatic dispenser, may mga nakahanda ring face mask.

Ayon kay Dr. Ana Rosa Rabanal, Public Schools District Supervisor, kabilang sa tututukan nila ay ang mental health ng mga bata dahil isa ito sa naapektuhan dahil sa pandemya. 

“Problem natin mental health. So we provide webinars for our teachers," ayon kay Dr. Ana Rosa Rabanal, Public Schools District Supervisor.

Dagdag pa niya, Agosto 22 magsisimula ang pasukan pero sa Nobyembre pa ang full implementation ng face-to-face classes. Nasa 315 ang estudyante sa ELJ Senior High School.

"Mental health ng mga bata at guro pinaka-challenge. Yun ang dapat ikonsidera para sa health. Paigtingin natin kalusugan katulad na nga sa mental health," dagdag ni Rabanal.

“Pwede masama sa mga lessons, sa pagtuturo ng mga guro sa values formation, gusto nating maibalik ang magandang values ng mga bata. Sa pagtuturo kailangan palakasin ang values integration."

Dahil Buwan ng Wika ngayon, balak din nilang isama sa mga salawikain ang mga leksyon ukol sa mga values.

"Hindi maganda ang ibang epekto ng social media, sa isang subject sa Filipino, maaaring sa salawikain ng magagandang asal ng ating mga Filipino," ani Rabanal.

Sa pag-uumpisa ng face-to-face classes, nakiusap ang school officials na kung may sintomas ng COVID-19 ang isang estudyante ay huwag nang piliting pumasok ang mga bata.

"Huwag po nilang ipilit kasi naka blended pa tayo ngayon. may ready naman Google classroom at pwede magcommunicate doon," ani Josephine Maningas, principal ng ELJ Senior High School.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.