PatrolPH

Bus sumalpok sa nakaparadang truck sa Nueva Vizcaya; 1 patay, 8 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2022 11:21 PM

Kuha ng PNP Aritao
Kuha ng PNP Aritao


Isang lalaki ang patay habang walo ang sugatan matapos sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang nakaparadang trailer truck sa Aritao, Nueva Vizcaya, Lunes ng hapon, Agosto 8.

Kinilala ang nasawi na si Clifford Coronel Adaro, na konduktor ng bus.

Ayon kay Police Major Oscar Abrogena, hepe ng Aritao Police, binabaybay ng Victory Liner bus ang national highway sa Barangay Bone South nang biglang gumilid sa outer lane at sumalpok sa likod ng nakaparadang trailer truck.

“Tinitignan natin ‘yung anggulo na baka inatake ‘yung driver. Tinatawag kasi ng mga pasahero nung gumigilid na ‘yung bus pero hindi raw namanmansin hanggang sa bumangga na sila,” ani Abrogena.

Sa lakas ng pagbangga, wasak ang harapang bahagi ng bus na galing Roxas, Isabela at papunta sanang Dagupan City, Pangasinan lulan ang 24 na pasahero.

Nagtamo ng sugat sa ulo ang konduktor na nagawa pang tumulong sa isang pasahero. Pero dead on arrival na siya sa Region 2 Trauma and Medical Center.

“Tinulungan pa niya ‘yung babae sa bag niya nung bumaba sila. Parang may sugat lang sa ulo [‘yung konduktor], pero baka internal hemorrhage ‘yun. Siguro sa lakas ng impact, naumpog siya sa bakal,” ani Abrogena.

Naidala rin sa ospital ang bus driver na si Armanso Bautista na ngayon ay nasa kritikal umanong kundisyon.

“Sa findings ng duktor, naputukan siya ng ugat sa ulo,” ani Abrogena.

May anim na pasahero ang nagtamo rin ng mga sugat na ngayon ay nagpapagaling din sa ospital. Habang ang ibang pasahero ay nagpasyang hindi na tumuloy sa biyahe at pinasakay na lang sa ibang sasakyan para makauwi sa kani-kanilang mga bahay.

Sugatan din ang isang helper ng trailer truck na naglilinis nang bumangga ang bus.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.