PatrolPH

Drogang may halos P1-M halaga, nakuha sa 9 suspek sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2021 07:53 AM

Nakuha sa 9 na suspek ang hinihinalang drogang nagkakahalaga umano ng halos P1 milyon sa Quiapo, Maynila. Photo courtesy of Manila Police District Station 3
Nakuha sa 9 na suspek ang hinihinalang drogang nagkakahalaga umano ng halos P1 milyon sa Quiapo, Maynila. Photo courtesy of Manila Police District Station 3

MAYNILA - Arestado ang siyam na drug suspek matapos makuhanan umano ng drogang may halagang halos P1 milyon sa Quiapo, Maynila, Sabado ng gabi. 

Ayon sa Manila Police District Station 3, nagkasa ng buybust operation ang mga pulis laban sa isa sa mga nahuling suspek na nagtatrabaho bilang driver.

Nakipagkita umano ang poseur buyer sa suspek sa kanto ng Carlos Palanca Street at Quezon Boulevard sa Barangay 306.

Matapos ang transaksyon, hinuli agad ang lalaki. 

Bukod sa pangunahing suspek, hinuli rin ng mga pulis ang ilan pang kasamahan niyang may dala rin umanong droga.

Sa kabuuan, anim na lalaki at tatlong babae ang timbog sa operasyon. Narekober din ang puting kotse ng isa sa mga suspek. 

Nasa isang dosenang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa kanila, na nagkakahalaga ng P918,000.

Dinala ang mga nahuli sa Sta. Cruz Police Station at nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.