PatrolPH

Mga nawalan ng trabaho maaaring mag-apply sa emergency employment ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2021 06:48 PM

Watch more on iWantTFC

Isa si Fred Arojo sa mga construction worker na labis naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ngayong paiba-iba ang quarantine status at tumataas ang kaso ng sakit sa bansa, hirap na siyang kumita.

"Mahirap po talaga lalo 'pag may anak... sana tulungan kami," ani Arojo.

Dahil din sa umiiral na enhanced community quarantine hanggang Agosto 20, apektado ang pangkabuhayan ni Arnel Equillio, na dating nagtitinda ng kakanin.

"Mahirap po talaga ang hanapbuhay," aniya.

Sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment, maaaring mag-apply sa emergency employment ang mga gaya nina Arojo at Equillio.

"Mga self employed, unemployed, side walk vendors, mga magbabalot, mga tricycle drivers, labandera [at] masahista," sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ukol sa mga maaaring mag-apply sa program.

Aabot umano sa P5,370 ang maaaring matanggap ng mga makakapasok sa programa, na makukuha nila sa pamamagitan ng remittance center.

Umapela na rin ng dagdag na pondo ang DOLE para mabigyan ng tulong ang mga empleyado na apektado ng mga nagsarang industriya ngayong ECQ o iyong mga "no work, no pay."

Ayon kay Bello, fully utilized na ang pondo ng kaniyang ahensiya.

Sinabi rin ni Bello na sa ilalim ng National Employment Recovery Strategy, inatasan na niya ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na maglunsad ng 1 milyong trabaho ngayong taon bilang bahagi na rin ng pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay.

Samantala, may kabuuang P6 bilyong inilaan sa pagtulong sa mga pinauwing overseas Filipino worker dahil sa pandemya.

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.