PatrolPH

Active COVID-19 cases sa Laguna umabot na sa 3,000: gov

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2021 11:28 AM | Updated as of Aug 08 2021 11:47 AM

Watch more on iWantTFC

Sumipa na sa 3,000 ang bilang ng active COVID-19 cases o iyong mga may sakit pa rin sa Laguna, sabi ngayong Linggo ni Governor Ramil Hernandez.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Hernandez na sa 3,000 active cases, 26 dito ay kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng virus.

Isa raw umano ito sa dahilan kaya isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na lockdown status, ang probinsiya hanggang kalagitnaan ng Agosto.

Ayon kay Hernandez, mas mahigpit na ang pagpapatupad ng health protocols ngayon at nagdagdag na rin sila ng puwersa ng pulis.

"Sa atin pong mga kapulisan, mahigpit po talaga nating pinatutupad at pinag-uutos na ipatupad ang lahat ng protocol," ani Hernandez.

Mas pinaigting na rin ang kampanya sa pagbabakuna sa lalawigan "kaya lang po talaga may problema tayo sa supply ng vaccine," sabi ng gobernador.

Umaabot pa lang sa hanggang 10 porsiyento ng target population ang natuturukan ng bakuna kontra COVID-19 sa lalawigan.

Ayon pa kay Hernandez, hinihintay na lang nilang maibigay sa kanila ang pondo para sa ayuda sa mga residenteng apektado ng ECQ.

Sa kabila nito, namamahagi naman na raw ang provincial government ng relief goods.

Muling naghigpit ng quarantine status sa ilang bahagi ng bansa, kasama ang Metro Manila, dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 na hinihinalang bunsod ng Delta variant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.