Sinalakay ng mga awtoridad ang isang computer shop sa labas ng Batangas Port kung saan gumagawa umano ng mga pekeng RT-PCR test result. Dennis Datu, ABS-CBN News
(UPDATE) Arestado ng mga awtoridad ang 3 tao sa Batangas City dahil sa paggawa ng mga pekeng COVID-19 test result, sabi ngayong Linggo ng mga awtoridad.
Hinuli sa entrapment ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Batangas (CIDG) ang mga gumagawa umano ng mga pekeng RT-PCR result sa isang computer shop sa labas ng Batangas Port.
Nasa P2,000 ang singil ng mga suspek sa bawat 1 pasahero para sa pekeng negatibong COVID-19 certificate.
Ikinasa umano ang pag-aresto sa mga suspek matapos makatanggap ang mga awtoridad ng reklamo mula sa Calapan City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Isa kasi sa mga requirement para makauwi ng Mindoro ay ang negatibong RT-PCR test result.
Nagtaka umano ang local government unit ng Calapan City dahil ang ibang resulta na natatanggap nila ay may QR code habang ang iba ay wala.
Nang mag-verify sila sa ospital, doon natuklasan na peke ang mga negatibong test result na isinumite sa kanila.
Natuklasan din na isang babaeng positibo sa COVID-19 ang nagpagawa ng pekeng certificate sa mga suspek kaya nakauwi siya ng Calapan City. Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang naturang babae.
Sa kabuuan, umabot na umano sa 7 pasahero ang nakapasok sa Calapan City dahil sa pekeng negatibong RT-PCR test result.
Hawak ng CIDG ang pangalan ng mga pasahero, na mahaharap din sa kaso.
Kahit nahuli na, itinanggi pa rin ng mga suspek ang mga paratang.
Nabawi sa mga suspek ang mga pekeng negatibong COVID-19 certificate, computer, at printer.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.