4 kawani ng DPWH sa Bago City nagpositibo sa COVID-19

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2020 01:37 PM

Apat na kawani ng Department of Public Works and Highways 4th Engineering District sa Bago City, Negros Occidental ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Ceander Rosquillo ng Bago City Health Office na in-charge sa monitoring ng COVID-19 cases sa lungsod, ang naturang mga empleyado ang close contact ng isang kasama nilang kawani na naunang nagpositibo rin sa virus.

Isa sa mga bagong nagpositibo ang taga Bago City, dalawa ang taga Binalbagan at isa ang mula Pulupandan. Lahat sila ay naka-quarantine ngayon sa isolation facility ng kani-kanilang mga local government units.

Ang naging close contact nila ay posibleng nakahawa naman sa isang Authorized Person Outside Residence na taga Victorias City na nagpositibo rin matapos pumunta sa Land Transportation Office sa Bacolod.

Pansamantalang nagsara ang LTO office sa Bacolod noong Hulyo 27 para mag-disinfect matapos na pumunta sa kanilang opisina ang nasabing residente.

Noong Huwebes, 79 na mga empleyado ng nasabing opisina ng DPWH at 30 iba pang close contacts ang isinailalim sa home quarantine at patuloy ang swab testing sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.