2 huli sa Antipolo buy-bust; P3.9 milyong halaga ng marijuana nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2020 03:49 PM

MAYNILA - Arestado ang dalawang lalaki sa isang buy-bust operation sa Barangay Mambugan, Antipolo City matapos mahulihan ng 33 kilong hinihinalang marijuana nitong Sabado. 

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Police Capt. Ramon Aquitan Jr. ng Northern Police District na naaresto ang mga suspek sa bisa ng isang follow-up operation sa Mambugan. 

Ito ay matapos makatanggap ng report ang pulisya na may magbabagsak ng marijuana alinsunod sa nakuhang tip mula sa naunang buy-bust sa Valenzuela noong nakaraang linggo. 

Tinatayang nasa P3.9 milyong halaga ng hinihinalang marijuana ang nasamsam. 

Patuloy naman ang follow-up operation ng drug enforcement unit. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.