Binatang nagpanggap na babae online huli sa 'sextortion'

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 04:36 PM

Hinuli nitong Huwebes sa entrapment operation sa Laguna ang isang 19 anyos na lalaki dahil umano sa pagkakalat ng mga hubad na retrato ng kaniyang nakarelasyon online. 

Ayon sa biktimang si alyas "Michael," nagpakilala na babae ang suspek at naniwala siya dahil madalas daw itong mag-send ng mga larawan sa chat.

Dahil nagtiwala, nagpadala rin si Michael ng mga nude photos sa inakala niyang nobya.

"Nagkaroon po sila ng relasyon, intimate relationship then sa sobrang tiwala ng ating victim, nagbigay siya ng mga nude photo," ani Police Maj. Joseph Arvin Villaran ng Calabarzon Police-Anti-Cybercrime Division. 

Nang magkita na sila ng suspek, nagulat ang biktima na lalaki pala ito pero wala na siyang nagawa dahil hawak nito ang kaniyang mga hubad na retrato. 

"May pahapyaw po siya na sinasabi na 'pag di ako makipag-usap sa kaniya ay baka may magawa siyang mali kaya nakipagkita na lang ako sa kaniya," kuwento ni Michael. 

Limang beses silang nagkita ng suspek, ayon pa kay Michael.

Pero nagulat na lang ang biktima na ginawan siya ng pekeng Facebook account ng suspek para ipakalat doon ang mga hubad niyang retrato. 

Doon na ikinasa ang entrapment kaya nahuli ang suspek nitong Huwebes. 

Kinasuhan ang suspek ng extortion, identity theft, at grave coercion. --Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.