3 patay sa pamamaril sa Tagum City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 01:04 PM

Sa loob ng tatlong araw, tatlo rin ang naiulat na napatay sa pamamaril sa Tagum City. Pinakahuli ay ang habal-habal driver na pinagbabaril sa Barangay Magugpo East. Larawan mula sa Tagum City Police

TAGUM CITY – Tatlong katao ang patay sa magkakahiwalay na pamamaril sa loob ng tatlong araw sa nasabing lungsod, ayon sa pulisya.

Unang binaril ang engineer na si Ariel Zaragosa, 52-anyos, sa harap ng kaniyang tindahan sa Purok Aquarius, Barangay Visayan, Lunes ng gabi.

Sa imbestigasyon, ay magsasara na sana ng tindahan ang biktima nang lapitan ng gunman at pinagbabaril sa katawan at ulo.

Ayon sa pulisya, may death threat na umano ang biktima at ito ang iniimbestigahan nila para malaman ang motibo.

Martes ng umaga naman nang pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang salarin ang 33-anyos na construction worker na si Carlo Estoce.

Isang tama ng kalibre .45 na baril ang natamo ng biktima. Nakatanggap din ng death threat ang biktima, ayon sa mga pulis.

Patay din ang 47-anyos na habal-habal driver na si Vicente Paylado nang pagbabarilin sa Zafra Street, Barangay Magugpo East, Miyerkoles ng umaga.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga nakakakita sa mga insidente na makipag-ugnayan sa kanila para agarang pagresolba sa mga kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.