Pagtulo ng aircon sa MRT train, nag-viral; pamunuan, nag-sorry

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 05:55 PM | Updated as of Nov 26 2019 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 nitong Miyerkoles dahil sa pagtulo ng tubig mula sa air-conditioning unit ng isa nilang tren.

Ayon sa pamunuan ng MRT, papalitan na dapat ang mga air-conditioner na 10 taon nang ginagamit pero naputol ang kontrata ng dating maintenance provider o tagapangasiwa ng linya.

Huli umanong napalitan ang mga air-conditioning unit noon pang 2008 at kada walong taon ito dapat pinapalitan.

"General overhaul is due every 8 years, meaning the ACUs (air-conditioning units) were supposed to be replaced as part of the system's 2nd general overhaul due to have been completed in 2016," sabi ng pamunuan ng MRT sa isang pahayag.

"As of Nov. 2017, when DOTr (Department of Transportation) terminated MRT-3's previous maintenance provider, only 3 out of MRT-3 72 train cars have been overhauled," dagdag nito.

Ayon naman kay DOTr communications director Goddess Libiran, nakakuha na sila ng 78 bagong air-conditioning unit at 41 rito ay nakatakdang dumating ngayong buwan.

Sa viral video na ibinahagi ni Giselle Visitacion Tolosa, mapapanood ang ilang pasahero ng tren na gumagamit ng mga payong bilang mga panangga sa tubig na tumutulo mula sa kisame.

 

Kuha umano ang video noong hapon ng Martes sa pagitan ng Boni Avenue station at Taft station, sabi sa ABS-CBN News ni Tolosa.

Nobyembre 2017 nang putulin ng gobyerno ang kontrata ng maintenance provider na Busan Universal Railways Inc. (BURI) dahil sa madalas na aberya sa MRT, na ginagamit ng higit 300,000 pasahero kada araw.

-- May ulat nina Erik Tenedero at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.