Kalaguyo ni misis patay sa taga ni mister

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 12:39 PM

LAKE SEBU, South Cotabato - Patay sa taga ang kalaguyo ng isang ginang sa bayang ito matapos maaktuhan umano ng mister ang dalawang nakahubad at magkatabi sa bukirin.

Ayon sa mister na si alyas Elmer, iniwan lamang niya ang misis sa sakahan saglit pero wala na ito nang kanyang balikan. Nang kanyang hanapin, ikinabigla niya ang nakita sa damuhan.

"Sa may mga damo, narinig ko parang may nagsasalita. Doon ko na nakita ang dalawa, nakahubad na sila. Nagdilim ang paningin ko kaya napatay ko 'yung lalaki, na pinsan ko pa," kuwento niya.

Sabi naman ng kanyang misis, matagal nang alam ng kanyang mister na may 10 taon nang may namamagitan sa kanila ng pinsan nito.

Dagdag pa niya, hindi naman nagkulang ang kanyang mister pero sadyang mas minahal lang niya ang isang lalaki, lalo't menor de edad lang umano siya nang ikasal sila ni Elmer.

"Fifteen years old pa lang ako nang ikasal kami. Wala pa akong isip nun. E itong pinsan niya, nanligaw man sa akin dahil gusto ko siya. Ayun sinagot ko siya," kuwento ng misis.

Ayon sa pulisya, nagkaareglo na ang magkabilang panig kaya posibleng makalaya na rin si alyas Elmer. Kapwa na rin sila naghain ng affidavit of disinterested person.

Sa kabila ng mga pangyayari, umaasa pa rin si Elmer na magkakabalikan sila ng kanyang misis. Handa umano siyang magpatawad bilang patunay ng ng kanyang wagas na pag-ibig sa asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.