PatrolPH

'Drug personality,' tinambangan matapos ang court hearing

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 09:20 PM | Updated as of Aug 08 2018 09:39 PM

'Drug personality,' tinambangan matapos ang court hearing 1

DINGRAS, Ilocos Norte - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Parado, Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Armando Bayudan, 59 anyos, at residente ng Barangay Elizabeth, Marcos, Ilocos Norte.

Tama ng bala ng baril sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng biktima.

Ayon sa hepe ng Dingras Police Station na si Senior Inspector Anthony Sorsano, pauwi na sana si Bayudan galing sa court hearing ng kanyang kaso noong 2014 na may kaugnayan sa ilegal na droga nang pagbabarilin ito ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo at naka-helmet.

Ikinagulat naman ng mga pulis nang makarekober sila ng anim na sachet ng shabu sa bulsa ng biktima nang kapkapan nila ang bangkay.

Drug personality umano sa bayan ng Marcos si Bayudan at ito ngayon ang anggulong pinag-aaralan ng pulisya sa pagpatay sa kanya.

Sa pakikipag-usap naman ng hepe sa pamilya ng biktima, wala umano silang alam na motibo o anumang naiku-kuwento ng biktima sa kanila na maaring dahilan ng pagpatay rito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.