Dolphin na nabulabog ng dynamite fishing, nasagip sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 10:44 PM

BADOC, Ilocos Norte - Nasagip ang isang dolphin na na-stranded sa karagatan na sakop ng Barangay Saud sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte nitong Miyerkoles ng umaga.

Una itong nakita ng mga mangingisda at agad nila itong ini-report sa mga pulis at Provincial Regulatory Office. 

Ayon kay Provincial Regulatory Officer Arthur Valente, isa itong pantropical spotted dolphin na kadalasang makikita sa mga tropical seas.

May haba itong halos dalawang metro at bigat na 90 kilos.

Lumalabas na nagka-acoustic trauma ang dolphin o naapektuhan ang pandinig nito kaya nawalan ng balanse hanggang sa mapadpad sa may baybayin.

Ang sinapit ng dolphin ay posibleng dulot umano ng dynamite fishing dahil nang puntahan ni Valente ang dolphin, may narinig siyang tila nagpapasabog sa dagat.

"Nawalan siya ng equilibrum, may narinig kasi akong nagpapapasabog sa dagat," aniya.

Ayon sa presidente ng Saud-Paratong Fishermen’s Association na si Shermann Valdez, may mga gumagamit ng dinamita sa pangingisda sa kanilang lugar.

“May gumawa na naman kasi nun kaya naniniwala kami na nangyari ulit ‘yun dahil sa illegal fishing," aniya.

Hindi rin umano mahuli ang mga gumagamit ng dinamita dahil kulang ang mga bantay-dagat at mahirap habulin ang mga ito dahil sa kakulangan ng gamit.

Tiniyak naman ng mga pulis na paiigtingin nila ang pagbabantay sa dagat.

"Naki-coordinate na kami sa maritime para mapaigting ang panghuhuli sa mga nagdi-dinamita," ani Senior Inspector Arnel Tabaog, hepe ng Badoc Police Station.

Hiling ng pulisya ang kooperasyon din ng mga residente sa patuloy nilang pagbibigay impormasyon o report sa kanilang opisina tungkol sa mga nangyayaring ilegal na aktibidad sa dagat at madagdagan rin umano sana ang mga bantay-dagat na boluntaryong tumutulong sa mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.