2 nangholdap at nanaksak sa lolo na taxi driver, timbog

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 07:03 PM

BACOLOD CITY – Arestado ng awtoridad ang dalawang lalaki, kabilang na ang isang menor de edad, na nangholdap at nanaksak sa isang 64-anyos na taxi driver sa Galo Street noong Martes ng umaga.

Nakatanggap ng tip ang Police Station 1 na nasa Barangay 29 ang 17-anyos na suspek. Nang puntahan, itinuro din nito ang kaniyang 31-anyos na kasama sa krimen.

Ayon sa awtoridad, dati nang nakasuhan ng frustrated murder ang kasama ng menor de edad.

Positibo naman silang kinilala ng biktima na ligtas na ngayon ang kalagayan.

Ibinigay na sa pangangalaga ng Social Welfare and Development ang menor de edad na suspek habang nakakulong naman sa Police Station 1 ang kaniyang kasamahan.

Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang sa kanila at sinabing napagkamalan lamang silang holdaper.

Kasong robbery at frustrated homicide ang isasampa ng pulisya laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.