'Trabaho sa call center, mamemeligro kapag buwis nirepaso'

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 07:30 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:33 AM

Nangangamba ang isang asosasyon na kumaunti ang mga bakanteng trabaho sa call center companies kung matuloy ang planong tax reform program na magtatanggal sa ilang tax incentive para sa mga business process outsourcing (BPO) company.

Ayon kay Jojo Uligan, presidente ng Contact Center Association of the Philippines, kung mababawasan ang tax incentives, posibleng lumipat na ang ilang call center sa ibang bansa.

Sa ngayon kasi, para maakit ang mga dayuhang negosyo na mamuhunan sa Pilipinas, binibigyan sila ng 'tax holiday' at value added tax exemptions na kapwa nagpapababa sa buwis na kanilang binabayaran. 

Pero oras na lumusot ang panukalang repasuhin ang pagbubuwis sa mga dayuhang negosyo sa bansa, maaaring maghanap na lang daw sila ng ibang bansang nagbibigay ng mas mainam na tax package.

Inihalimbawa ni Uligan ang Tsina kung saan mas maraming tax incentives daw ang ibinibigay sa mga kompanyang BPO.

Kapag nagkataon, libo-libong trabaho sa call center ang siguradong maaapektuhan.

Mahigit 800,000 ang call center employees sa bansa ngayon.

Kung magtutuloy-tuloy ang paglago ng industriya ng BPO sa bansa, inaasahang papalo sa mahigit 1.2 million ang mga nagtatrabago sa call centers pagsapit ng taong 2022.

Pero para sa Department of Finance (DOF), walang dapat ipangamba ang BPO companies.

Ayon kay Finance Undersecretary Antonette Tionko, hindi aalis ang call center companies sa Pilipinas dahil hindi lang naman buwis ang basehan kung bakit sila narito.

Aniya, gusto rin ng call centers ang mga empleyadong Pinoy dahil bukod sa magaling magtrabaho, bihasa rin sa pagsasalita sa Ingles.

Hindi rin naaalarma ang DOF na mas dadami pa ang mangingibang bansa dahil sa bagong tax system.

Paliwanag ni Tionko, kapag narepaso ang sistema ng pagbubuwis, mas magkakaroon ng pondo para sa mga proyektong pambayan na makahihikayat sa mga Pinoy na manatili sa bansa.

Batid din ng DOF na malaki ang naitutulong ng BPO industry sa bansa kaya hindi sila gagawa ng anumang reporma na makakasira rito. -- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.