'SALN ng Comelec chairman, maaaring basehan ng impeachment'

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 01:37 AM | Updated as of Aug 09 2017 06:41 AM

Mainit na isyu ngayon ang ginawang pagsiwalat ni Patricia Bautista sa 'tagong yaman' umano ng kanyang mister na si Comelec Chairman Andres Bautista. 

Ayon kay Atty. Harry Roque sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, kapag napatunayang nagkasala si Bautista, maaaring maging basehan ito para sa pagpapatalsik ng Comelec chairman.

Ipinaliwanag ni Roque ang impeachment bilang isang pamamaraan ng pagpapaalis sa puwesto ng pinakamatataas na opisyal ng bansa, kasama na ang presidente, bise presidente, mga hukom ng Supreme Court at Chief Justice nito, at mga commissioners ng mga constitutional commission.

Hindi maaaring makasuhan ang isang opisyal habang nasa puwesto dahil sa tinatawag na 'immunity', kaya kailangan muna siyang ma-impeach bago masampahan ng kaso.

Maaaring ma-impeach ang isang opisyal base sa mga sumusunod:

1. Kapag lumabag sa Saligang Batas
2. Treason (kapag kumampi sa kalaban ng bansa sa panahon ng giyera)
3. Graft & corruption
4. Betrayal of public trust (kahit na anong pagtataksil sa tiwalang ibinigay ng taumbayan)

Tanging Kamara lang ang magtataya kung nagkaroon ng 'betrayal of public trust'.

Pero ayon kay Roque, maaaring maging basehan ng 'betrayal of public trust' ang maling Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Bautista.

Aniya, "Kapag ikaw ay taong gobyerno dapat tuwing Abril, nagfa-file ng SALN at dapat totoo naman ang isusulat mo sa SALN. Kasi ang gamit sa SALN, kapag 'sinumatotal' mo 'yan at pinagsunod-sunod mo, makikita mo kung gaanong yumaman pa ang taong nanungkulan sa gobyerno. Kung grabe ang pagyaman [ng opisyal] sa isang taon, ang assumption eh nangurakot ka."

Dagdag ni Roque, kahit sinong tao ang maaaring sumilip sa SALN ng isang opisyal ng gobyerno dahil pasok na ito sa executive order ng freedom of information na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.