P800k halaga ng 'shabu' nasabat sa buntis, 3 pang suspek

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 11:32 PM

Nasabat ang P800,000 na halaga ng shabu mula sa dalawang lalaki at dalawang babae, kabilang ang isang buntis, sa Quezon City nitong Martes.

Sa bisa ng dalawang search warrant, hinalughog ng pinagsanib na pwersa ng Special Operations Unit, Drug Enforcement Unit, at SWAT ng QC Police District ang dalawang magkalapit na bahay nina Jonathan Macaya at Alona Borja na sinasabing mga notorious na tulak ng droga.

Naaresto ang dalawa pati na ang kanilang kasama sa bahay na sina Joselito Calamiog at kinakasama ni Macaya na si May Antoniette German na isang buntis.

Sa kabuuan, nakuha sa mga suspek ang nasa 160 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P800,000, isang kalibre .45 na baril, at drug paraphernalia.

Hindi itinanggi ng mga suspek ang kanilang iligal na gawain. Ayon sa kanila, nagtutulak sila para kumita ng pera ngunit itinangging ituro kung sino ang pinagkukuhanan nila ng suplay.

Mayroon ding maliit na mga kwarto sa bahay ni Borja kung saan gumagamit ang kanilang mga parokyano pagkabili ng shabu.

Ayon sa ilang residente, bagamat alam nilang may nagaganap na bentahan ng droga sa lugar ay hindi sila makapagsumbong sa awtoridad dahil may mga kakilala umanong gun for hire ang mga suspek. 

Kinumpirma ni QCPD Chief Supt. Guillermo Eleazar na may napatay na miyembro ng "Bonnet Gang" noong June 14 matapos makaengkwentro ng pulisya sa pagsisilbi ng search warrant sa nasabing kalye.

Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at posible ding maharap si Macaya sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kung mapapatunayang walang dokumento ang kanyang baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.