Negosyante, sinaksak ng 42 beses; suspek: dating tauhan

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 07:56 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:11 AM

Brutal na pinatay ang 60 anyos na negosyante sa Calumpit, Bulacan. 

Nagtamo ang biktimang si Nestor Manlapig ng 42 saksak sa leeg at katawan.

Nadatnan siya ng kanyang pamilya at mga tauhan na duguan at wala nang buhay sa loob ng kanyang opisina sa Barangay Bulusan, Calumpit, Bulacan. 

Sa follow-up operation ng mga pulis, nahuli ang suspek na si Jayvee Serrajose, na nauna umanong sumuko sa tanggapan ni Calumpit Mayor Jessie de Jesus. 

Dating tauhan sa hardware ng biktima ang suspek na sumuko na rin sa ‘Oplan Tokhang’ ng Calumpit – Philippine National Police. 

Ayon kay Supt. Santos Mera, hepe ng Calumpit Police, maaaring pagnanakaw ang motibo ng suspek dahil may mga nawalang gamit at pera.

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen ngunit sinabing pinagtanggol niya lang ang sarili. 

Ayon naman sa pamilya ng biktima, nag-a-apply muli ng trabaho si Serrajose kay Manlapig nang gabing iyon. 

Hindi rin sila naniniwala sa dahilan ng suspek dahil sa mga nawalang pera at gamit ng biktima. 

Sasampahan ng kasong murder at theft si Serrajose. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.