Itinuro ng testigong si Mark Taguba si Kenneth Dong bilang "middleman" ni Richard Tan, ang Tsinong negosyanteng umano'y nakapaglusot sa Customs ng kargamentong may droga mula Tsina.
Ayon sa mga awtoridad, sa warehouse ni Tan natagpuan ang mahigit 600 kilo ng shabu noong Mayo.
Hindi pa malinaw kung ano ang eksaktong papel ni Dong sa transaksiyon. Pero inaasahang maraming tanong ang masasagot sa pagharap ni Dong sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa Miyerkoles, Agosto 9.
Sa edad na 33, maituturing na malayo na ang narating ni Dong.
Mula sa pagbebenta ng industrial weighing scales, pinasok din niya ang construction, at may-ari na rin ito ng isang luxury club sa Cebu.
Taong 2013, nag-donate si Dong ng P3 milyon sa kampanya ni Risa Hontiveros sa pagka-senador.
Nag-donate naman ng P5 milyon si Dong nang muling tumakbo si Hontiveros noong 2016.
Nagbigay rin si Dong ng P3 milyon sa kampanya noong 2016 ni dating TESDA Director General Joel Villanueva.
Kapwa nakaupo ngayon bilang senador sina Hontiveros at Villanueva.
Noong 2013, ikinasal si Dong.
Naging ninong niya sa kasal sina Hontiveros, Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, Juan Miguel "Migz" Zubiri, Ralph Recto, at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel. Maging si General Danny Lim na minsa'y naupo bilang Deputy Customs Commissioner, ninong din ni Dong.
Possibleng makaharap ni Dong sa mga susunod na pagdinig ang kaniyang mga ninong, ninang, at tinulungan sa kampanya.
Miyembro ng blue ribbon committee sina Hontiveros at Zubiri habang ex-officio member si Recto.
Hindi naman miyembro si Villanueva pero dumadalo siya sa mga hearing.
Pero ayon kina Hontiveros, Zubiri, Villanueva, Pangilinan, Recto, Pimentel, at Lim, hindi sila malapit kay Dong.
Inabisuhan din nila si Dong na magsabi ng katotohanan sa pagdinig.
Ayon kay Hontiveros, pinayuhan niyang humarap sa pagdinig si Dong nang mag-text ang inaanak sa kaniya.
Nanawagan din si Villanueva kay Dong na harapin ang mga alegasyon para malinis ang kaniyang pangalan at walang madamay na mga inosenteng opisyal ng gobyerno.
Dagdag din nina Pimentel at Lim, posibleng nabiktima rin lang si Dong.
Sa text message sa ABS-CBN, nangako si Dontg na lilinisin ang pangalan. Wala raw siyang kinalaman sa droga dahil may takot siya sa Pangulo at lalo na sa Diyos.
-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, Gigi Grande, balita, Senate blue ribbon committee, Kenneth Dong, drug shipment, Customs, Hontiveros, Villanueva, campaign contribution, Zubiri, Pangilinan, Recto, Pimentel, Danny Lim