Dalagita nabuntis matapos halayin; 3 arestado

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 04:00 PM

Mugshot ng suspek sa panghahalay sa isang dalagita sa lalawigan ng Ilocos Norte. Larawan mula sa Marcos police

Mugshot ng suspek sa panghahalay sa isang dalagita sa lalawigan ng Ilocos Norte. Larawan mula sa Marcos police

Mugshot ng suspek sa panghahalay sa isang dalagita sa lalawigan ng Ilocos Norte. Larawan mula sa Marcos police

MARCOS, Ilocos Norte - Inaresto nitong Lunes ang 3 lalaki dahil sa umano'y panggagahasa sa 15 anyos na dalagita sa bayang ito. 

Kinilala ng pulisya ang mga suspek bilang sina Benjamin Calano, 58; pamangkin nitong si King Angelo Calano, 21; at Jhon Mark Manaranan, 20.

"Hindi ito gang rape. Nangyari ito sa magkakahiwalay na araw na, ayon sa biktima, ay nangyari noong nakaraang taon," ani Senior Inspector Joseph Calderon, hepe ng Marcos police. 

Paliwanag ni Calderon, nahalay ng mga suspek ang dalagita dahil may deperensya umano ito sa pag-iisip. 

"Itong victim kasi palakad-lakad at pag nakita ng mga suspek, doon na siguro nila naisasagawa iyung panghahalay at pagkatapos binibigyan na lang raw nila siya ng pera o candy," sabi ng pulis. 

Nitong Abril lamang nagsumbong ang dalagita sa mga awtoridad dahil 5 buwan na itong buntis. Iginiit umano ng bata na ang nakatatandang Calano ang ama ng kanyang dinadala. 

"Nabuntis siya kaya iyung guardian ng dalagita nagpursige na i-report ito," ani Calderon. 

"Aminado naman si Benjamin na posibleng siya raw ang ama kung 5 buwan nang buntis ang dalagita." 

Hinihintay ng pulisya ang isa pang warrant of arrest para sa isa pang lalaking sinasabing gumahasa sa dalagita.

Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng komento. Nahaharap sila sa kasong statutory rape. 

Dinala naman sa katabing lalawigan ng La Union ang dalagita para sumailalim sa rehabilitation program. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.