Comelec chair: Pera, matagal nang isyu sa pagsasama

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 08:39 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:23 AM

Muling sinalag ni Comelec chairman Andres Bautista ang mga bintang ng misis na si Patricia "Tish" Bautista.

Pinabulaanan ni Bautista na tumatanggap siya ng komisyon bilang Comelec chairman.

Ayon kasi kay Patricia, may mga tseke ang mister mula sa Divina Law Office na mukhang komisyon sa mga kliyenteng may transaksiyon din sa gobyerno.

Pero depensa ni Bautista, referral fees niya iyon para sa mga pribadong kompanyang walang anumang kaugnayan sa Comelec at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng Divina Law Office na naghahanda na silang maghain ng kasong libel laban sa kampo ni Patricia dahil sa umano'y paninira sa kanilang law firm.

Itinanggi rin ni Bautista na nagkaroon siya ng sekretong meeting sa Amerika kasama ang Smartmatic.

Normal rin aniya na makatrabaho niya ang Smartmatic na nag-supply ng Precinct Count Optical Scan machines para sa Halalan 2010 at 2013.

May mga kasama rin daw siyang iba pang opisyal nang obserbahan ang U.S. elections.

Itinanggi rin niya ang implikasyong may 'ghost employees' siya sa dating opisina sa Presidential Commission on Good Government.

Totoong empleyado raw ang mga pangalan sa sobreng ipinakita ng kaniyang misis. 

Pero hindi niya alam kung bakit may pera ang sobre. Maaari aniyang ginamit niya lang ulit ang sobre kaya may lamang pera.

Muli ring iginiit ni Bautista na P620 milyon ang hinihingi ng kaniyang misis. Ayon kasi kay Patricia, P260 milyon lang ang kaniyang hinihingi para sa sarili at sa mga anak.

Dagdag pa ni Bautista, lagi nilang problema ang pera bilang mag-asawa.

Minsan niya ring sinagip umano ang misis sa mahigit P3 milyong utang sa credit card.

Pinasinungalingan din ni Bautista na may mga kondisiyon siyang manahimik ang misis at ipa-disbar si Atty. Lorna Kapunan sa settlement nila.

Pero inamin ni Bautista na duda siya kay Kapunan.

Board member daw kasi si Kapunan at lawyer ng 'Philcomsat' na pag-aari ng Marcos cronies. 

Bilang PCGG chairman noon, umupo rin si Bautista sa Philcomsat board, pero may mga kuwestiyonableng bagay siyang napansin.

Hindi raw siya isinasama sa mga meeting ng Philcomsat at mukhang may mga inilihim din sa kaniya tungkol sa kompanya. 

Dagdag pa ni Bautista, ilang beses tumutol si Kapunan sa kaniyang nominasyon bilang chief justice ng Supreme Court at pagiging Comelec chairman.

Sagot naman ni Kapunan, shares lang ang 'sequestered' sa Philcomsat kaya hindi PCGG chairman kundi kinatawan ng Department of Finance ang dapat umupo sa board.

Inirereklamo rin daw si Bautista sa kawalan niya ng aksiyon sa mga problema noon sa Philcomsat.

Ayon naman kay Bautista, naghahanda na siya ng ebidensiya para patunayang iba ang motibo ni Kapunan.

Uuwi rin daw ang kapatid ni Bautista sa Pilipinas para patunayan ang investments ng kanilang pamilya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.