'Acacia Tunnel' ng Palawan, maaaring mahagip ng superhighway project

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 01:47 AM

Nangangamba ang mga Palaweño na mahahagip ng superhighway project ng pamahalaan ang "Acacia Tunnel" sa Barangay Inagawan, Puerto Princesa City. Cherry Camacho, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA - Umaalma ang ilang Palaweño sa P30 bilyong 6-lane superhighway project ng lokal na pamahalaan dahil maaari umanong mahagip nito ang ilang kabundukan at "Acacia Tunnel" sa Barangay Inagawan, Puerto Princesa City.

Ikinasa ang isang online petition na may titulong "Please save Palawan's Acacia Tunnel" upang iparating sa pamahalaan ang kalagayan at posibleng epekto kapag nasira ang Acacia Tunnel.

Mungkahi rin ng mga ito na gumawa na lamang ng panibagong daan na hindi mahahagip ang Acacia Tunnel.

Maging ang ilang residenteng naninirahan malapin sa Acacia Tunnel ay hindi sang-ayon sa proyekto.

"Nanghihinayang kami kung puputulin kasi maganda na talaga ito...malamig pa rito..." ani Mercy Ortega, residente ng Barangay Inagawan.

Nagpahayag din ng pagsuporta sa petisyon ang ilang environmental group at civil society group.

Aminado naman ang Provincial Environment and Natural Resources Office na maraming puno ang mahahagip ng proyekto.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, ang mga punong may diameter na 15cm pababa ay isasailalim sa earth balling habang ang mga puno na may 15cm pataas ang diameter ay maaring putulin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa bawat puno na puputulin ay 100 seedlings ang kailangang itanim bilang kapalit.

Ayon sa DPWH, sinisimulan na ang 6-lane highway sa bayan ng Narra, Palawan.

Habang posibleng simulan ang proyekto sa Northern Palawan sa 2018.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyektong ito na mapalago ang turismo at mapadali ang pagbiyahe ng mga produkto sa Palawan.

"Ito yung tinitignan natin -- for the next 5 to 10 years na magbu-boost 'yung ating economy when it comes to agriculture and tourism. If we're looking at that within 5 to 10 years time, dapat ngayon pa lang ay nagre-ready na tayo for the infrastracture project, which is ito na po 'yun," ani Atty. Gil Acosta Jr., provincial information officer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.