98 sumuko sa 'Tokhang', graduate na sa rehab

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 11:51 PM

NUEVA VIZCAYA – Siyamnapu’t-walong mga sumuko sa Oplan Tokhang sa Villaverde, Nueva Vizcaya ang nagtapos mula sa Community-Based Rehabilitation Program ng lokal na pamahalaan Martes ng umaga. 

Ayon kay Chief Inspector John Ricomano ng Villaverde Police, mahalaga ang rehabilitasyon para sa mga dating gumagamit ng bawal na gamot.

"Mahalaga po yung rehabilitation because that is their preparation for their re-integration in the community," aniya.

May 52 sumuko ang hindi napabilang sa graduation. Nilinaw ni Mayor Ronelie Valtoribio na ang ilan sa mga ito ay nakapangibang-bansa na at ang ilan ay nagtatrabaho umano sa ibang lugar. 

"Tandaan ninyo na hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong oportunidad. At sana ay ituring ninyong biyaya ito, ituring ninyong kayamanan na maipapamana niyo sa inyong pamilya, sa inyong anak. At itong graduation niyo ang magpapatuloy sa inyo na maging instrumento ng kabutihan," paalala ni Valtoribio.

Ayon naman sa Philippine National Police, bagama't graduate na ang mga sumuko ay patuloy pa rin ang monitoring sa kanila.

“Nandito yung BADAC at MADAC. Nandito po silang lahat at itong mga ito pati ang komunidad ay kasama po natin na nagbabantay,” ani Ricomano.

Ang rehabilitasyon ng mga sumuko ay isa lamang umano sa mga puntos para sa pagkakadeklarang drug-cleared ng bayan. 

Ayon pa kay Ricomano, hindi natatapos sa deklarasyon ang paglaban sa iligal na droga.

Patuloy naman umano ang pagbibigay ng suportang moral at ispirtwal ng lokal na pamahalaan ng Villaverde sa mga surrenderee para sa tuluyan nilang pagbabagong buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.