Pokemon Go player sumaklolo sa lalaking na-heat stroke

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2016 03:38 PM

A young man plays the augmented reality mobile game "Pokemon Go" by Nintendo at Puerta del Sol square in Madrid, Spain July 28, 2016. Sergio Perez, Reuters

MANILA - Sa gitna ng paglalaro ng Pokémon Go mobile game, natulungan ng isang lalaki ang kababayang inatake ng heat stroke sa Davao City Sabado. 

Naghahanap ng Pokémon ang player na si Bon Vallite nang makita niya ang walang malay na si Donnie Mark Gado malapit sa isang mall. 

Nagduda si Vallite na na-heat stroke si Gado nang lapitan at makita niyang mahina na ito. 

May alam na basic first aid si Vallite kaya tinulungan niya si Gado, ngunit bigla anya itong sumuka ng dugo. 

Dito na siya nagpasaklolo sa mga paramedic mula sa kalapit na mall at tumawag sa emergency hotline 911. 

Dahil sa tulong ni Vallite, agad na naisugod sa ospital ang hinimatay na lalaki. 

Samantala, dinagsa naman ng mga Pokémon Go players ang People's Park ng Davao City. 

May walong "Poké stops" kasi ang liwasan kaya mas maraming "pocket monsters" ang mahuhuli rito. 

Kabilang sa mga naengganyo ng laro ang 21-anyos na si Jennifer Kusain, na sa halip na magpalipas ng oras sa bahay ay nagtutungo sa People's Park. 

"Nakakawala ng stress and all tapos maka-gain ka pa ng mga friends habang naglalaro," patungkol ni Kusain sa mga nakukuha niyang benepisyo mula sa Pokémon Go. 

Nakilala rin ng ABS-CBN News sa parke ang binatang si Ryan Anino na naglakad ng mahigit limang kilometro para mapisa ang kanyang "Pokémon eggs."

"Dito po nakakapag-exercise ka habang naglalaro," bida ni Anino. 

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na maging mapagmatyag ang publiko sa kabila ng kinagigiliwang laro. Tumingin din anila sa magkabilang direksyon ng daan upang makaiwas sa anumang aksidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.