Panghoholdap sa pawnshop sa GenSan, nasapul ng CCTV

Rean Hacosta, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2016 10:32 AM

MANILA - Nahagip ng CCTV camera ang panghoholdap ng dalawang kawatan sa isang pawnshop sa General Santos City.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng dalawang suspek sa pawnshop sa Magsaysay Avenue. Kaagad silang bumunot ng baril kaya hindi na nakapalag ang gwardya.

Tuloy-tuloy sa kahera ang isang holdaper na may dalang bag.

Nakabantay naman sa pinto ang kanyang kasamang binatukan pa ang gwardya nang mapangsing gumalaw ito.

Isa-isa namang nagsilabasan ang ilang babaeng kustomer na ang iba ay nadapa pa.

Nang wala nang tao, binasag ng mga holdaper ang estante ng sanglaan gamit ang martilyo at nilimas ang lahat ng naka-display na alahas.

Wala pang isang minuto ang buong pangyayaring nagtapos sa pasimpleng pag-alis ng dalawang suspek.

Nagkahabulan pa ang mga pulis at ang mga holdaper pero hindi na naabutan ang getaway motorcycle ng mga ito.

Batay sa imbentaryo ng pawnshop, natangay ng mga kawatan ang 60 piraso ng alahas na nagkakahalaga ng P115,000.

Kinuha rin ng mga holdaper ang alahas ng isang kustomer.

Hinihinala ng mga pulis na miyembro ang mga suspek ng "Martilyo Gang."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.