HULI SA CCTV: Buntis, kinakasama binaril sa labas ng barangay hall

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2016 10:28 AM | Updated as of Dec 15 2017 10:52 AM

MANILA - Nakuhanan ng CCTV camera ang pamamaril at pagpatay sa isang buntis at kanyang kinakasama sa labas mismo ng barangay hall sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Itinuturing namang "armed and dangerous" ang suspek na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin.

Sa kuha ng CCTV sa barangay hall ng Minuyan proper, makikita ang paglabas ng tatlong tao noong Biyernes ng tanghali.

Hindi nagtagal, bumunot ng baril ang lalaking nasa likod at bigla na lang pinaputukan sa ulo ang dalawang biktimang sinusundan niya.

Dead on the spot ang live-in partners na sina Dave Abello at pitong buwang buntis na si Jessie Tolero.

Kinilala naman ang namaril na si Allan Contreras alyas "Long Hair", na nakaaway ng dalawa.

Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan nina Abello at Tolero kay Contreras nang akusahan ito na nangarnap ng motorsiklo, ayon kay Minuyan Barangay Captain Jerry Matias.

Sa Facebook acount ni Contreras, makikita pa itong nagpo-post ng mga litratong hawak ang iba-ibang kalibre ng baril.

Kinuwento naman ng asawa ng suspek na mahigit isang linggo na itong hindi umuuwi sa kanilang bahay sa Norzagaray.

Naglunsad na ang San Jose Del Monte police ng manhunt operation laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.