2 holdaper ng taxi, patay sa engkwentro sa Las Piñas

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2016 01:06 PM

MANILA - Napaslang ang dalawang suspek sa panghoholdap sa isang taxi driver matapos makaengkwentro ang mga pulis sa Las Piñas, Lunes.

Kwento ng biktimang si Marcelo Susondoncillo, ang insidente ang unang pagkakataon na na-hold-up siya sa loob ng kanyang 20 taon na pamamasada.

"Tinutukan ako sa likod ta's sila na mismo kumapkap sa wallet ko," ani Susondoncillo.

Matapos nito, tumakbo umano ang mga suspek habang nakasalubong naman ng taxi driver ang ilang pulis na hiningian niya ng saklolo.

Hinabol ng mga pulis ang suspek, pero nanlaban ang mga ito, dahilan para sumiklab ang engkwentro.

Agad namatay ang isang suspek mula sa tama ng baril habang dead on arrival naman sa ospital ang kanyang kasamahan.

Ayon kay Senior Insp. Jemar de Quillo, hepe ng Pasay police, maaaring dating drug pusher ang dalawang suspek.

Pwede umanong naghanap ang mga ito ng ibang mapagkakakitaang iligal na gawain dahil sa paghihigpit ng gobyerno sa kalakaran ng bawal na gamot.

Narekober sa crime scene ang mga ginamit na baril ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.