24/7 vaccination kontra COVID-19, magsisimula na sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2021 08:50 AM

MAYNILA— Magsisimula na ang 24-hour COVID-19 vaccination service sa lungsod ng Maynila sa Linggo, August 8, kasabay ng maraming pagbabago sa proseso ng bakunahan matapos ang dagsa ng mga tao sa vaccination sites noong Huwebes. 

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, susundin nila ang bagong guidelines ng Department of Health ukol sa bakunahan ngayong nasa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang Metro Manila. 

Bawal muna ang walk-in sa Maynila ngayong ECQ. Kailangan registered sa website at dapat may schedule na. 

Sabi ni Moreno, mas masalimuot at mahigpit ang bakunahan ngayong ECQ dahil na rin sa banta ng mas nakahahawang Delta variant. 

Magbibigay ang barangay ng slot number sa mga residente na gustong magpabakuna. Nakasaad sa slot number ang schedule at kung saang vaccination site pupunta. Mga residente sa piling mga barangay lang ang maaaring makakuha ng slot bawat araw. Halimbawa aniya, 30 barangay lang sa isang araw, at panibagong 30 naman kinabukasan. 

Hindi rin aniya pwede lumipat ng ibang vaccination site ang mga residente. Ang mga piling vaccination site ay pawang mga paaralan at wala munang bakunahan sa mga mall. 

Paalala naman ni Moreno, dapat dalhin rin ang QR Code sakaling sitahin ng pulis o mga taga-barangay sa kalsada kung papunta sa vaccination sites. 

Wala munang vaccination sa lungsod ngayong Sabado bilang paghahanda sa 24/7 bakunahan mula sa Linggo. 

Nakatanggap naman nitong Huwebes ang Manila LGU ng 118,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine mula sa national government na gagamitin sa 24/7 vaccination. May 35,000 doses rin ng Pfizer, ngunit di pa magamit dahil di pa naibigay ang injection at 'yung diluent na kailangan para sa Pfizer vaccine. 

Samantala, natanggap na ng Manila LGU ang ayuda mula sa national government.

Pero ayon sa alkalde, baka sa Martes o Miyerkoles pa magsisimula ang distribusyon. 

Ang natanggap aniya ng LGU ay P1.4 billion noong Biyernes, pero sarado aniya ang bangko sa weekend kaya di naman nila agad ma-withdraw ang pera.